Relocation ng mga squatters, sinimulan
MANILA, Philippines – Nililipat na ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang mga informal settlers families (ISF) na naninirahan sa mga creek sa Metro Manila. Ito naman ang napag-alaman mula kay PRRC Information Officer Manolito Boots Nicolas na nagsabi pang kabilang sa mga unang inilipat ay ang 39 na ISF na galing sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City patungo sa NHA Relocation site sa Villa Elise, Brgy. Masuso in Pandi, Bulacan.
Ang dalawang-araw na relocation activities ay sinimulan alas-8:00 ng umaga kahapon at magtatapos alas-5:00 ngayong hapon, September 30. Ang mga informal settler families ay galing sa gilid ng mga creek sa Culiat Creek at sa Pasong Tamo Creek sa Kyusi at Mahabang Layon, kung saan ay matagal na rin silang naging obstruction.
Tinitiyak ni Nicolas na sa sandaling makumpleto ang relokasyon ay maaari nang daanan ang mga kalsada sa gilid ng creek kung saan ay itatayo rin ang mga linear park. Maaari lamang makalipat sa mga relocation site ang mga ISF sa sandaling magsumite sila ng katunayan na giniba na ang kanilang mga bahay o certificate of demolition.
Ang relocation ay pinangunahan ng PRRC Housing Division sa pakikipag-coordinate ng National Housing Authority at Barangay Bahay Toro Chairman Dennis Caboboy at mga kagawad. Ang PRRC ay tinatag sa pamamagitan ng Executive Order 54 noong January 1999 para sa rehabilitation, ng Pasig River para magamit na alternatibong transportation, recreation and tourism.
- Latest