MANILA, Philippines – Mas mahabang oras na water interruption ang mararanasan ng mga taga- Metro Manila at kalapit lalawigan sa mga susunod na araw dahil sa epekto ng El Niño phenomenon sa suplay ng tubig sa bansa.
Ito ay inanunsyo ng National Water Resources Board (NWRB) dahil sa planong pagbababa ng water allocation sa mga water concessionaires na Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Company Inc.
Ayon sa NWRB, mula 40 cubic meters ay gagawing 38 cubic meters na lamang ang laang tubig na maaaring maisuplay ng mga water concessionaires sa kanilang water customers para makatipid sa tubig na nagmumula sa Angat dam sa Bulacan. Ang naturang dam ang pinagmumulan ng 90 percent ng tubig sa Metro Manila at kalapit lalawigan.
Sa ngayon ang water level sa Angat dam ay pumapalo sa 189.51 meters o mas mababa sa 210 meter na target ngayong taon.
Sinasabing mula sa 9 hours na water interruptions na naipatupad kamakailan ng water concessionaires ay gagawing 20 hours ang water interruption ng mga ito sa susunod na buwan ng Oktubre sakaling bawasan ng NWRB ang water allocations mula sa Angat dam.