Beep cards, mabibili na sa 5 istasyon ng MRT
MANILA, Philippines – Maaari nang makabili ng mga bagong beep cards ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) ang mga pasahero sa limang istasyon nito.
Ayon sa private concessionaire, na AF Payments, sinimulan na nila kahapon ang pre-selling ng contactless cards sa mga istasyon ng North Avenue, Cubao, Shaw Blvd, Ayala at Taft Avenue bilang antisipasyon sa nalalapit na paggamit ng beep card sa MRT-3 sa Oktubre 3.
Isinagawa ang pre-selling alas-5:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi kahapon.
Ang mga tindera ng beep cards ay nakapwesto malapit sa booth ng mga teller.
Ang mga beep cards ay nagkakahalaga ng P100, kasama ang card fee na P20 at lamang load na P80.
Maaaring magamit ang stored value beep card sa loob ng apat na taon mula sa panahong binili ito.
Dumagsa naman kaagad ang mga commuters na bumibili ng beep card upang makaiwas sa mahabang pila sa sandaling magsimula na ang paggamit ng beep card sa MRT-3 sa susunod na buwan.
Bagamat hindi pa pwedeng gamitin sa MRT 3 ang beep cards, maaari naman na itong gamitin sa line 1 at 2 ng Light Rail Transit.
- Latest