MANILA, Philippines – Tiniyak ng Task Force Vending ng Manila City hall na unti-unting masasawata ang pangingikil ng mga empleyado, pulis at sibilyan sa mga vendor.
Ang paniniyak ay ginawa ni Ver Eustaquio, hepe ng TF Vending matapos na mahuli kamakailan si Fredderick See, 35, nakatalaga sa Department of Public Service sa isang entrapment operation.
Ayon kay Eustaquio, marami silang sinusurveillance dahil na rin sa reklamo na kanilang natatanggap ng panggigipit sa mga vendors.
Paliwanag ni Eustaquio, inaayos nila ang mga vendor kaya’t walang dahilan upang magbigay ang mga ito ng pera sa sinumang manghingi sa kanila.
Sinabi ni Eustaquio na 70 na lamang ang kanyang mga tao sa ngayon mula sa dating 120 matapos ang mahigpit na pagbabantay sa mga ito alinsunod na rin sa kautusan ni Manila Mayor Joseph Estrada na disiplinahin at ayusin ang mga manininda sa Divisoria.
Paliwanag ni Eustaquio, ipinatutupad din nila ang ‘one strike policy’ kung saan hindi maaring tumanggap ng anumang pabor ang mga tauhan ng TF Vending lalo na ang DPS mula sa mga vendor.
Aniya, trabaho ng DPS na linisin ang kalsada sa May-nila at hindi pakialaman ang mga vendors.
Naniniwala naman si Estrada na may grupo si See na nagpoproteksyon sa gawain nito. Ani Estrada, hindi naman nila ito papayagan lalo pa’t pagpapahirap ito sa mga vendors.