MANILA, Philippines – Pabor si Manila Mayor Joseph Estrada sa pagpapa DNA test ni Senator Grace Poe kaugnay ng kinukuwestiyong citizenship nito.
Ayon kay Estrada, tama lamang ang ginawang hakbang ng kampo ni Poe dahil ito ang magbibigay tuldok sa lahat ng agam-agam sa pagkatao ng anak ng kanyang matalik na kaibigang si Fernando Poe, Jr.
Aniya, ang resulta lamang din ng DNA ang siyang magi-ging basehan niya (Erap) kung dapat pa siyang tumakbo sa pagkapangulo bagama’t sinabi na niyang hindi siya tatakbo.
Una nang sinabi ni Estrada na mapipilitan siyang tumakbong muli sa pagkapangulo sakaling iisa na lamang ang kandidato.
Kailangan aniyang panatilihin ang demokrasya kung saan makapipili ng tamang kandidato ang mga botante.
Kinukuwestiyon ang citizenship ni Poe habang napipinto namang sampahan ng kasong plunder si Vice Presidente Jejomar Binay.
Aminado si Estrada na pawang malalapit sa kanya ang tatlong presidentiable subalit nananatiling tikom ang bibig nito kung sino ang susuportahan.
Maaari pa umanong magbago ang survey kung saan isa din sa mga pinagbabatayan ng publiko.