MANILA, Philippines – Kalaboso ang isang Chinese national matapos itong mahulihan ng 15 kilong high grade shabu, na nagkakahalaga ng P13 milyon sa isang buy-bust operation na isinagawa ng District Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Group, Southern Police District Office (DAID-SOTG, SPDO) kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Ayon sa ulat na isinumite ni Police Supt. Lorenzo Trajano, hepe ng DAID-SOTG kay Police Chief Supt. Henry Ranola Jr., district director ng SPDO, nakilala ang suspek na si Zhou Jianguo, 34, ng Fujian, China at pansamantalang naninirahan sa #175 Ronquillo St., Sta. Cruz, Maynila.
Base sa report ng pulisya naganap ang insi-dente alas-6:15 ng gabi sa service road ng panulukan ng Buendia Avenue at Ro-xas Boulevard ng naturang siyudad.
Nabatid na sakay ang suspek ng isang Hyundai Tucson na may plakang NIC-513 kasabay ng paglulunsad ng buy-bust operation ng mga kagawad ng DAID-SOTG.
Isang pulis ang nagpanggap na poseur buyer gamit ang marked mo-ney na nagkakahalaga ng P800,000.00.
Nang magpositibo ay dito na hinudyatang arestuhin ang naturang dayuhan at nakumpiska mula sa sasakyan nito ang may 15 kilong high grade shabu.