MANILA, Philippines – Pinatay sa mismong kaarawan.
Ito ang sinapit ng isang 22-anyos na lalaki matapos na pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang mga lalaki kung saan sugatan din ang dalawa pang kaibigan nito, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Dead on arrival sa Gat Andres Hospital si Ryan Bongas, ng Bldg. 21 Unit 15 Temporary Housing, Vitas, Tondo, Maynila.
Ginagamot naman sa nasabi ding ospital ang mga sugatang sina Ruel Seperiano, 20, na tinamaan ng bala sa braso at paa at si Kenneth Meguillo, 20, na tinamaan ng ligaw na bala sa kaliwang braso.
Mabilis namang nakatakas ang dalawang hindi nakilalang suspek na kapwa armado ng baril.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Richard Escarlan, naganap ang insidente dakong alas-9 kagabi sa pagitan ng Bldg 22 at Bldg 23 sa nasabing lugar.
Bibili umano ng maiinom na alak ang mga biktima para sa kaarawan ni Bongas nang lapitan ang huli ng isa sa mga suspek at biglang binaril sa ulo.
Pinaputukan din ng mga suspek sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan si Seperiano habang tinamaan naman ng ligaw na bala si Meguillo.
Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek sa direksyon ng Road 10. Nagsasagawa naman ng follow up operation ang MPD para sa ikadarakip ng mga suspek.