MANILA, Philippines - Patay ang isang beteranong pulis-Caloocan makaraang pagbabarilin ng rider na suspects, kahapon ng umaga sa naturang lungsod.
Nasawi dahil sa tama ng bala sa ulo ang biktimang si SPO1 Rodrigo Antonio, nakatalaga sa Caloocan Police Community Precinct 1 at residente ng Pangako Street, Brgy. 149 Bagong Barrio, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ni SPO3 Joel Montebon ng Station Investigation Division, dakong alas- 9 ng umaga nang tambangan ang biktima sa Pangako Street.
Nabatid na papasok sa trabaho sakay ng motorsiklo ang biktima nang makasalubong at harangin ng salarin na lulan rin ng motorsiklo. Hindi na nakaporma si Antonio nang maunahan siyang barilin ng salarin na mabilis na nakatakas matapos ang pamamaril.
Agad namang ipinag-utos ni Northern Police District (NPD) Director, Chief Supt. Eric Serafin Reyes sa Caloocan City Police na tutukan ang pagresolba sa kaso at gamitin lahat ng kapabilidad ng pulisya upang mapanagot ang mga salarin.
Sinabi ni Caloocan Police deputy chief, Supt. Ferdinand del Rosario na binuo na ang isang “special investigating Task Group” para sa kaso. Ilan sa anggulo ng tinitignan ang posibleng kaugnayan sa trabaho nito at maaaring personal rin ang motibo.
Nabatid na dating nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa NPD si Antonio bago na-download sa Caloocan Police nitong Agosto 31.