MANILA, Philippines – Kalaboso ang isang abugado na broadcaster ng DZMM at columnist nang puntahan lamang nito ang isang kliyente na nagpasaklolo dahil sa iligal diumanong pag-aresto ng mga tauhan ng Women and Children Protection Desk ng Manila Police District (MPD sa Tayuman, Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nabatid na isinailalim na kahapon sa inquest procee-dings sa kasong obstruction of justice, direct assault at slander by deeds sa Manila Prosecutor’s Office si Atty. Clarissa “Claire” Castro, ng programang “Usapang de Campanilla” subalit nakalaya din dakong alas-5:00 ng hapon kahapon (Setyembre 23) nang lumabas ang resolusyon na ‘release for further investigation’. Naging complainant laban kay Castro si PO3 Marlyn Remetio, ang arresting officer naman ng kliyente ng una.
Ayon sa ulat ni Remetio, alas- 7:00 pasado ng gabi nang dumating si Atty. Castro sa WCPD at binastos siya at binantaang kakasuhan ng nabanggit na abugado.
Sa panig naman ni Atty. Castro, nagtungo siya sa MPD at hinanap niya ang kliyente upang malaman kung bakit ito dinakip ng dalawang babaeng pulis at 5 lalaki na pawang nakasibilyan.
Wala umanong maipakitang complaint sheet o blotter kung bakit ito dinakip.
Nagtataka si Atty. Castro kung bakit ito ikinukulong at wala naman umanong nais sumagot sa mga pulis at ni isa umano ay ayaw magpakilala at sa halip ay ipinosas pa siya at nagtawag pa umano ng iba pang pulis ni PO3 Remetio.
“Panong hindi lalakas ang boses ko, abogado ako nagtatanong… kliyente ko ang hinuli walang sumasagot. Pinakunan ko sila ng litrato sa secretary ko para ebidensiya dahil hindi ko alam ang pa-ngalan nila,” ani Atty. Castro.
Parang na-set up yung kliyente ko kasi secretary ko ang nagtext na puntahan niya sa mall sa San Lazaro dahil gustong makipagkita at may babayaran daw na credit card.
Paliwanag ni Castro, naa-butan niyang driver lang ang kasama ng bata kaya niya iniuwi muna at hindi niya akalain siya ang eentrap ng mga pulis.
Nais lamang umano niyang mailabas ang kliyente dahil walang complaint na maipakita kahit sa mga kaanak subalit siya umano ay binabastos din ni Remetio kaya siya napapasigaw din.
Samantala, si PO3 Remetio din ang dating nakatalaga sa MPD-station 9 na noong Enero 16, 2015, alas 2:00 ng madaling araw nang pagsisigawan at palayasin ang dalawang mediamen na nagtungo doon upang magtanong sa kaso din ng iligal na pag-aresto.