MANILA, Philippines – Nais ni Manila 5th District Congressman Amado S. Bagatsing na tuluyan nang dalhin ang isyu sa Kongreso kaugnay sa kontrobersyal na umano’y pagsasapribado ng 17 palengke sa Lungsod ng Maynila na ngayon ay mariing tinututulan ng mga apektadong market vendors.
Ayon kay Bagatsing, nais na mabusisi ng Kongreso ang reklamo ng mahigit sa 5,000 market vendors sa Maynila na kumokontra sa pagpasok ng pamunuan ng lungsod sa isang kasunduan o joint venture agreement (JVA) sa pamamagitan ng City Ordinance No. 8346 na ipinasa ng konseho ng lungsod.
Aniya, malinaw pa umano sa sikat ng araw na nilabag at patuloy na nilalabag nina Mayor Joseph Ejercito Estrada, Vice Mayor Isko Moreno, at ng City Council ang Cooperative Code of the Philippines na siyang nagbibigay proteksyon para sa karapatan ng mga market vendors na nakapailalim sa kooperatiba sa bawat palengke.
Partikular na aniya rito ang hindi pag-alok sa bawat kooperatiba ng bawat palengke na pangasiwaan ang pagpapagawa at pagpapatakbo nito,“under the Cooperative Code of the Philippines, ang bawat palengke ay mayroong preferential rights.
“Bakit ito hindi ipinatupad nina Mayor Estrada at ng City Council? Hindi dapat kung kani-kanino lamang inalok ang pamamahala. Bukod rito, under the bill of rights, ang bawat Pilipino ay may karapatan na- manotify, dumaan sa tamang proseso, at marinig ang kanilang boses. Dito sa kaso ng mga market vendors natin sa Maynila ay hindi ito ipinatupad…in other words walang hustisya, tinapakan yung karapatan ng mga maliliit nating kababayan dito sa Maynila…nang ipatawag sila everything is done deal, yung mga kontrata pirmado na,” paglilinaw ni Bagatsing.
Ang reaksyon ni Bagatsing ay matapos ang kanyang pahayag sa isinagawang regular session sa Kongreso nitong nakalipas na gabi (Lunes), nang isiwalat nito ang mga paglabag ng City Government of Manila kaugnay sa kontratang pinasok nito sa pagpapagawa at pagpapasa-pribado ng mga public market sa Maynila na kinabibilangan ng Quinta, San Andres, Sta. Ana, Trabajo, New Antipolo, at Pritil.