Taguig No. 1 sa NAT sa NCR
MANILA, Philippines – Nangunguna ngayon ang dibisyon ng Taguig at Pateros at nahigitan ang lahat ng lungsod sa Metro Manila nang makuha nito ang pinakamataas na grado sa 2015 National Achievement Test (NAT) sa National Capital Region.
Batay sa resulta ng NAT na ipinalabas ng Department of Education National Capital Region (DepEd NCR), nakakuha ang Taguig ng Overall Mean Percentage Score (MPS) na 68.32 sa elementarya at 57.11 naman sa secondary level kung saan nahigitan nito ang mas malalaking lungsod tulad ng Quezon City, Manila, Pasig City, at Makati.
Ayon kay Taguig Mayor Lani Cayetano, sinagot na ang kanyang panalangin dahil nakuha na nila ang No. 1 spot samantalang nasa No. 13 sila noong una siyang umupo bilang alkalde. Sa ikalawang sunod na taon din ay nanguna at nahigitan ng Taguig ang mga lungsod na nasa Big Schools Cluster sa Metro Manila.
Sinabi Dr. George Tizon, DepEd Taguig and Pateros administrator na ang naging performance ng Taguig ay tumawid sa lahat ng kategorya ng DepEd NCR dahil nagtala ito ng pinakamataas na grado sa Metro Manila.
Ang NAT ang sumusukat sa kakayahan ng mga mag-aaral sa limang key subject na siyang nagde-determina sa kalidad ng edukasyon.
Paliwanag ni Cayetano , indikasyon lamang ito na mas binigyang halaga ng lungsod na mag-invest sa tao, sa kanilang edukasyon, at sa kanilang kalusugan.
Kabilang sa mga tumatak na programang pang-edukasyon ni Cayetano ay ang P500-million Lifeline Assistance for Neighbors In-Need (LANI) Scholarship Program; ang Taguig Learner’s Certificate (TLC) Program, na tumutulong para mailipat sa mga pribadong paaralan ang mga pampublikong estudyante sa layuning maibsan ang pagsisiksikan ng mga mag-aaral sa silid-aralan; at ang Computer Assisted Learning (CAL) Program, isang computer curriculum na may layunin itaas ang kaalaman ng mga mag-aaral sa larangan ng Information Technology.
- Latest