6 militante timbog: US Embassy sinabuyan ng pintura
MANILA, Philippines – Anim na miyembro ng militanteng grupo ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) kaugnay sa pagsasaboy ng kulay pulang pintura sa harapan ng US Embassy kahapon ng umaga.
Pinipigil sa MPD-General Assignment and Investigation Section ang anim sa mahigit 50 militanteng nagsagawa ng kilos-protesta na pawang nagmula sa grupo ng League of Filipino Students (LFS) at Karapatan,
Inihahanda naman ang patung-patong na kaso laban sa mga dinakip na sina Teddy James Angeles, 19, estudyante ng Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST); Gerardo Guddli, 21; Orion Yoshida, 21; Aries Guput, 23, University of the Philippines-Diliman; Gem Arami Cataog, 21; at Karl Paulie Anactay, 18.
Gayunman, sina Anactay at Cataog ay nagtamo rin ng sugat at galos. Nasa 17 Tourist Police ng MPD ang nasaktan nang pagbabatuhin ng mga militante kabilang si PO1 Al Arif Kamlon Asmadud na nagtamo ng mga galos at napuno ng pintura ang uniporme.
Nabasag din ang windshield at side mirror ng MPD Mobile car no. 388 nang yugyugin ng mga militante. Nabatid na alas-5:30 ng umaga nang sugurin ng mga aktibista ang harapan ng US Embassy kaugnay umano sa paggunita sa ika-24 anibersaryo nang pagkakatalsik ng US military bases sa bansa kasabay ng protesta na dapat na ring ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Nang harangin ng mga pulis ang mga raliyista ay hindi lamang harap ng embahada ang sinabuyan ng mga pintura dahil maging mga pulis ay pinagbabato nila.
Nagtungo ang mga kasamahang militante sa harapan ng MPD headquarters at doon naman itinuloy ang pagbatikos sa mga awtoridad na humuli sa kanilang mga kasamahan na tinapatan naman ng malalakas na tugtog ng Christmas carol ng MPD gamit ang malalaking speaker.
Bago nilisan ang harapan ng MPD headquarters ay sinabuyan din ng pintura ang gate nito ng mga militante.
- Latest