‘Dugo-dugo gang’ nalansag: 7 arestado
MANILA, Philippines – Nalansag ng mga tauhan ng Valenzuela City Police ang isang sindikato ng ‘Dugo-Dugo Gang’ makaraang pitong miyembro ang masakote sa ikinasang entrapment operation, kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City.
Nakilala ang mga nadakip na sina Paula Garcia, 31; John Ryan Santos, 32; Gerald Cruz, 32; Lucila Cruz, alyas Sheila Santos, 53; Janet Calayag, 25; Ronaldo Apilado, 39, ng Colong 2, Valenzuela City; at Ferdie De Guzman, 31.
Sa ulat ng pulisya, Martes ng tanghali nang makatanggap ng tawag ang 18-anyos na si Kim Karla Opinianado, ng Celina Homes 2, Deparo, Caloocan City buhat sa isang babae na nagsabing nasangkot sa aksidente sa kotse ang kanyang lola na si Evita Opinianado, 65, at inutusan siya na kunin lahat ng pera at alahas para sa operasyon sa ospital.
Sinunod naman ito ni Opinianado at patungo na sa Expo Center sa Maysan Road, Valenzuela nang mapadaan ito sa bahay ng kaanak na si Emily Bordon at naikuwento ang natanggap na tawag. Tinawagan naman ni Bordon si Evita Opinianado na natuklasan na hindi naman naaksidente.
Dito na humingi ng saklolo sa Valenzuela City Police ang mga biktima kaya naikasa ang entrapment operation. Dakong alas-2 ng hapon nang masakote ng pulisya sa pamumuno ni Station Investigation and Detective Management Division head, Chief Insp. Rhoderick Juan ang apat sa mga suspek sa may Expo Center, Brgy. Maysan, Valenzuela.
Natunton rin ng pulisya ang isang apartment unit sa may Decena Street, Brgy. Arkong Bato, Valenzuela na kuta ng operasyon ng sindikato at nadakip sa loob nito sina Lucila Cruz, Garcia at Calayag habang abala sa pagrebisa sa yellow page sa paghahanap ng mabibiktima.
Narekober sa grupo ang P98,000 cash at alahas na aabot sa halagang P30,000 na dala ng biktimang si Opinianado.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong estafa habang nanawagan ang pulisya sa iba pang nabiktima ng grupo na magtungo sa Valenzuela City Police Headquarters upang kilalanin at kasamahan ng patung-patong na kaso ang mga suspek.
- Latest