MANILA, Philippines – Nagsanib puwersa ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan para paigtingin ang pagtukoy sa drug smuggling sa paliparan sa ating bansa.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., ang pagsasanib puwersa ay nabuo sa pamamagitan ng isang memorandum of agreement (MOA) na nilagdaan ng kanilang kagawaran at ni Lieutenant General William Hotchkiss III, CAAP Director General, kasama ang mga government instrumentalities at Office for Transportation Security (OTS); Bureau of Customs (BoC); Bureau of Immigration (BI); Department of Justice-National Prosecution Service (DOJ-NPS); National Bureau of Investigation (NBI); at ang Philippine National Police (PNP) Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force; at ang PNP Aviation Security Group.
Ang kasunduan ay binuo ng Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (Airport-IADITG) para sa lahat ng mga paliparan sa ilalim ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na siyang may kontrol at hurisdisksyon dito, pero pangungunahan ito ng PDEA.
Sa kasunduan, kailangang ang lahat ay makiisa at makipag-ugnayan sa isa’t-isa, para makontrol ang pagpasok at paglabas ng iligal na droga, controlled precursors at essential chemicals sa mga paliparan, kasama rin ang suport mula sa Airport-IADITG sa pamamagitan ng mga detalyeng nakukuha ng mga ito sa kanilang intelligence, maintenance at operation.
Sa ilalim ng MOA, ang PDEA ang aaktong Commander at Executive Officer ng Airport-IADITG para pangunahan ang pangkalahatang imbestigasyon, at pagsasampa ng kaso base sa kooperasyon ng mga miyembro ng binuong task group.