MANILA, Philippines – Isang 47-anyos na lalaki ang binaril at napatay ng Philippine Army reservist dahil sa pangungulit at pangangantiyaw ng una sa hindi pumutok na baril, kahapon ng madaling araw sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ni SPO2 Charles John Duran ng Manila Police District-Homicide Section ang biktima na si Rodolfo Barbosa Jr. alyas RJ, na nagtamo ng apat na tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nakakulong naman ngayon ang suspek na si Rony Belezario, 43, PA Reservist, binata. Ang dalawa ay parehong naninirahan sa M. Dela Fuente Street, Sampaloc, Maynila.
Sa report ni Duran, pasado alas-4:10 ng madaling araw nang pagbabarilin ng suspek ang biktima sa kanto ng Arevalo at M. Dela Fuente Sts. sa nasabing lugar.
Batay sa pahayag ng 12- anyos na saksi, bumibili siya ng pandesal sa bakery sa nasabing kanto ng M. Dela Fuente St. nang makarinig siya ng putok.
Dito na niya nakita ang biktima na tumatakbo papunta sa kanyang kinatatayuan hanggang sa madapa ito.
Agad namang sinabi ng saksi sa pulisya ang kanyang nasaksihang krimen kaya’t madaling nasakote ang suspek na hindi pa nakakaalis sa crime scene. Positibo itong itinuro ng saksi.
Inamin naman ng suspek ang pamamaril sa pagsasabing nagawa lamang niya ito dahil sa pangungulit at pangangantiyaw ng biktima nang hindi pumutok ang kanyang baril sa unang pagkakataon.