MANILA, Philippines – Patay ang dalawang hinihinalang ‘tulak’ ng droga makaraang umanong manlaban sa mga tropa ng District Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (DAIDSOTG) habang isinasagawa ang isang buy-bust operation sa lungsod, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni DAIDSOTG Chief, P/Chief Insp. Enrico Figueroa, kinilala lamang ang mga nasawi sa mga alyases na Alvin at Mar.
Ayon kay Figueroa, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Mindanao Avenue, pagitan ng Belfast St., Regalado kanto ng Brgy. Greater Fairview, ganap na alas-4 ng madaling araw.
Bago ito, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pagbebenta ng shabu ng mga suspect na miyembro ng “Samuel Drugs Group” sa lungsod sanhi upang makipagtransaksyon sila sa mga ito.
Gayunman, habang isinasagawa ang drug transaction, nakatunog ang mga suspect na pulis ang kanilang ka-deal lalo na nang mapuna ng mga ito ang presensya ng mga pulis na sibilyan.
Sa puntong ito, agad na naglabas umano ng baril ang mga suspect at pinaputukan ang mga awtoridad, dahilan para gumanti ng putok ang mga huli.
Tumagal ng ilang minuto ang palitan ng putok, na nagresulta sa pagbulagta ng dalawang suspect sa lugar.
Narekober sa tabi ng mga suspect ang apat na piraso ng plastic sachets ng shabu na nagkakahalaga ng P10,000; isang kalibre 45 pistola na may dalawang bala; isang kalibre 38 baril na may tatlong bala; isang digital weighing scale; isang kulay itim na sling bag; at isang motorsiklo. Ayon pa sa pulisya, ang mga suspect ay sangkot din umano sa pagtangay ng mga motorsiklo sa Quezon City, Bulacan at Cavite.
Patuloy ang imbestigasyon ng DAIDSOTG sa nasabing insidente upang mabatid ang tunay na pagkatao ng mga nasawing suspect.