MANILA, Philippines – Dinukot ng mga armadong lalaki ang isang negosyanteng Indian national nang harangin ang kotse nito sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan City Police chief, Senior Supt. Bartolome Bustamante ang dinukot na si Val De Leon Singh, 34, ng Commonwealth Avenue, Quezon City. Sa inisyal na ulat, sakay ang biktima ng kanyang puting Toyota Corolla Altis (NIO 959) na minamaneho ng driver nitong si Carlino Estrada dakong alas-8:30 ng gabi at binabagtas ang Malaya Street, Brgy. 181, Caloocan City nang harangin ng isang puting Toyota Fortuner (YHC 197).
Dalawang armadong lalaki ang lumabas at sapilitang kinaladkad saka isinakay ang biktima sa Fortuner saka mabilis na sumibad palayo. Dalawang beses pang nagpaputok sa ere ang mga salarin bago tumakas.
Agad namang iniulat ni Estrada ang insidente sa pulisya kaya rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct 4 at natagpuan ang abandonado nang Toyota Corolla ng biktima sa may Quirino. Sinabi ni Bustamante na wala pa umanong tumatawag sa pamilya ng biktima buhat sa mga kidnaper.
Patuloy naman nila na nakarehistro sa Davao City ang Fortuner na ginamit ng mga kidnaper. Ipinasa na rin ng Caloocan Police ang imbestigasyon sa National Anti-Kidnapping Task Force sa naturang insidente.