Pasaherong parak, kumasa
MANILA, Philippines – Bulagta sa loob mismo ng pampasaherong bus ang dalawang holdaper makaraang makipagbarilan sa nag-iisang pulis na pasahero rin sa naturang bus na kanilang hinoldap sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Caloocan City.
Patuloy na kinikilala ng pulisya ang dalawang nasawing holdaper habang nakatakas ang ikatlo nilang kasamahan. Inilarawan ang isa sa nasawi na nasa edad 32, may taas na 5’2”, katamtaman ang katawan, nakasuot ng sweatshirt na may tatak na “Biology” at pulang short pants habang ang isa ay may taas ring 5’2”, nasa 25-anyos, may suot na puting t-shirt at maong na pantalon.
Nakilala ang pulis na nakabaril sa dalawa na si PO2 Ryan Cabansag, 31, nakatalaga sa Headquarters Support Service (HSS) sa Camp Crame, Quezon City.
Sa ulat ng Caloocan City Police, binabagtas ng Del Carmen bus (AIA 9766) na biyaheng Bocaue, Bulacan ang northbound lane ng NLEX sa bahagi ng Brgy. 160, Caloocan dakong alas-10:25 ng gabi nang magdeklara ng holdap ang tatlong suspect na armado ng mga baril.
Dahil umano sa nasa panganib ang 37 pang pasahero, nagpakilala si Cabansag na pulis ngunit agad umano siyang binaril ng mga holdaper. Dito na gumanti ng putok ang pulis at napuruhan ang dalawang suspect habang ipinasya ng ikatlong salarin na tumakas.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng Valenzuela City Police nang huminto ang bus sa may bahagi ng Malinta Exit ng NLEX na sakop na ng Valenzuela City. Narekober ng pulisya ang tatlong cartridge, isang slug ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril at isang rebolber na baril.