Problemadong mister nagbigti

MANILA, Philippines – Isang mister ang nagpasyang tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili bunga ng labis na problema sa kanyang pamilya sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang biktima ay nakilalang si Christian Logatoc, 22, electrician ng no. 50 Harvard St., Brgy. Socorro, Cubao sa lungsod.

Ayon kay PO2 Jerome Dollente, may-hawak ng kaso, nadiskubre ang  bangkay ng  biktima ng kanyang misis na si Jadelyn nang umuwi ito ng bahay galing sa isang reunion ng kanyang mga dating kaklase, ganap na alas 4:29 ng madaling araw.

Sabi ni Dollente, base sa kuwento umano ng asawa ng biktima, madalas umano nilang pagtalunan ang pagseselos ng huli na inaakalang siya ay may kalaguyo, lalo na kapag siya ay umaalis ng bahay.

Bago nangyari ang insi­dente, umalis umano si Jadelyn ng kanilang bahay para dumalo sa isang reunion ng kanilang paaralan.

Hindi umano ito nagpaalam sa pag-aakalang mabilis lamang siyang makakauwi para datnan ng kanyang asawa.

Subalit, nauna umanong umuwi ang biktima at posib­leng hinanap siya nito at nang hindi makita ay saka ginawa ang insidente.

Sinasabing pagdating ni Jadelyn ng kanilang bahay ay nakita niya ang biktima na nakabigti sa wooden beam gamit ang kulay dilaw na nylon cord sa loob ng kanilang kubeta.

Agad na bumaba ng bahay si Jadelyn saka humingi ng tulong sa kapitbahay na si Boy Moral upang tanggalin sa pagkakabigti ang biktima.

Ayon pa sa ulat, hu­ling nakitang buhay umano ang biktima sa labas ng kanilang bahay, ganap na alas 2 ng madaling araw at idinadaing ang nararanasang kalungkutan tungkol sa kanyang pagpapakasal.

Kasalukuyang nakalagak ang bangkay ng biktima sa Pacheco Funeral services para sa kaukulang otopsiya.

Show comments