MANILA, Philippines – Nalaglag sa kamay ng mga awtoridad ang lima katao na pinaniniwalaang miyembro ng ‘Ativan gang’ nang mapuna ng mga pulis ang kahina-hinalang kilos habang akay-akay ang walang malay na French national sa panulukan ng Rizal Avenue at CM Recto Avenue, sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa.
Pawang nakakulong na sa Manila Police District-Integrated Jail ang mga suspek na kinilalang sina Jean Soriano Fuentes, 60 ; Augusto Bajet, 65 ; James Soriano, 51; Gina Pusing, 44, at Analyn Castro, 37.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Insp. Arsenio Riparip, hepe ng MPD-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), napuna umano ng grupo ni SPO3 Robert Dato ng MPD-station 3 ang kakaibang kilos ng mga suspek dahil walang malay o tulog ang dayuhang biktima na kanilang inaalalayan dakong alas-11:30 ng gabi noong Huwebes.
Sinita sila at dinala sa presinto dahil hindi nila maipaliwanag kung bakit tulog ang biktima na kinilalang si Adiren Aertsens, 34, ng Malate, Maynila.
Nang dalhin sila sa pre-sinto ay pinigil sila at hinintay kinabukasan na magising ang biktima na nagsalaysay sa mga pangyayari
Ani Riparip, kinaibigan ng mga suspek ang biktima at niyaya na mag-inuman sa isang restaurant sa Quiapo at doon nilagyan ng pampatulog ang inumin nito.
Naibalik naman umano ang mga gamit na kinuha sa mga suspek maliban sa 800 Euros nito, na ayon umano sa biktima ay nasa bulsa niya ang pera nang mawala.