MANILA, Philippines - Isang taxi driver na sumasaydline bilang holdaper at responsable sa panghoholdap sa isang restaurant ang naaresto na ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) matapos ang isinagawang follow-up operations sa lungsod, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng QCPD-theft and robbery section, ang suspect ay nakilalang si Ranato Castro Jr., 37, binata ng Alfonso St., Sampaloc, Manila.
Si Castro na gumagamit ng taxi sa kanyang panghoholdap ay nadakip matapos na maplakahan ang kanyang gamit na sasakyan at matukoy mula sa Land Transportation Office (LTO) ang nagmamay-ari nito na siya namang nagtukoy sa kan- yang pagkatao.
Sa imbestigasyon, hinoldap ni Castro ang Farinas Ilocos Empanada na matatagpuan sa 1 E. Rodriguez Avenue, ganap na alas -3:30 Lunes ng madaling-araw.
Nang makuha ang kinita ng establisimento ay saka sumibat ang suspect gamit ang taxi.
Pero sa kanyang pagtakas ay nagawang makuha ng cashier ng gusali ang plaka ng taxi na naging daan para siya tugisin.
Sa ginawang berepikas-yon ng awtoridad sa LTO, lumabas na ang plakang TXZ-568 ay mula sa taxing may tatak na PONGSKI kung saan nakausap ng pulisya ang operator nito at sinabing ang taxi ay hiniram ni Castro isang araw makaraan ang insidente ng panghoholdap at natunton ang kinaroroonan ng suspect.