MANILA, Philippines - Arestado ang isang driver ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) matapos na mahulihan ng shabu sa ginawang inspeksyon kamakalawa ng gabi sa nasa-bing ospital sa Tondo, Maynila.
Kinilala ni City Security Force (CSF) chief, Capt. Jaime de Pedro ang suspek na si Amado Salmos, 53 residente ng Kundiman St. Sampaloc Maynila. Sasampahan ito ng kasong paglabag sa Sec. 11 at Sec 12 ng Art. II ng Republic Act 9165.
Batay sa report, inutos ni GABMMC Director Dr. Ma. Luisa Aquino, ang random inspection sa lahat ng empleyado ng nasabing ospital bunsod na rin umano’y report na ilan sa mga ito ang gumagamit ng shabu o methampethamine hydrochloride
Miyerkules ng gabi nang sumailalim sa inspeksiyon si Salmos at nakita ang isang plastic sachet at aluminum foil sa compartment ng motorsiklo gayundin sa bulsa nito.
Agad na kinumpiska ang shabu at paraphernalia at dinala si Salmos ng mga tauhan ng CSF sa MPD-Station 2.
Ayon kay de Pedro, sinisimulan na niya ang paglilinis sa mga tauhan ng CSF kung saan maaaring matanggal sa trabaho ang mga mahuhuling gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.