MANILA, Philippines - Mariing pinabulaanan ng isang dating opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na walang katotohanan ang naging pahayag ni Chairman Tolentino na ang mataas na volume ng behikulong dumadaan sa kahabaan ang EDSA ang isa sa pangunahing sanhi ng pagsisikip ng trapiko dito.
Sa panayam kay Lito Vergel De Dios, dating director ng Traffic Operation Center (TOC) ng MMDA, sinabi nito na kalokohan aniya ang na-ging pahayag ni Tolentino.
Ang pangunahing problema aniya ng trapik ay yung bulok na sistemang pinatutupad sa ngayon ng kasalukuyang administrasyon ng MMDA at ayon pa dito, simula nang maupo si Tolentino sa MMDA ay wala naman itong naging programa, kung saan itinuloy lamang nito ang mga dating programa ng MMDA ng panahon ni dating MMDA Chairman Bayani Fernando, na hindi naman aniya naipatupad ng maayos ni Tolentino.
Ang dapat aniyang tanggalin sa EDSA ay yung mga traffic obstruction, dahil nung panahon aniya nila ay hindi nila pinahihintulutan ang traffic obstruction sa EDSA, kung saan hindi lamang mga driver ang dinidisiplina nila, maging ang mga pedestrian at mananakay ay dinidisiplina rin nila.
Kamakailan ay ipinahayag ni Tolentino, na ang mataas aniyang volume ng mga sasakyan ang dahilan ng trapik lalu na sa EDSA. Nakakalungkot aniya, na isang institusyon ang MMDA, subalit ang mga nagpapalakad ang hindi maayos.
Sinabi pa ni Vergel De Dios, pinaigting nila ang flood control para kung tag-ulan at bumaha ay kaagad itong nareresolbahan ng MMDA, subalit ngayon aniya ay kulang na sa mga equipment ang ahensiya para sa flood control kung kaya’t hirap sa pagresolba ng baha.
Ayon naman sa mga motorista, kung wala naman aniyang inilalatag na solution ang MMDA hinggil sa pagresolba ng matinding trapik sa Kalakhang Maynila, lalu na kung bumubuhos ang malakas ng ulan, na tulad aniya ngayon ay wala ng silbi ang MMDA dahil ibinigay na sa HPG ang pagmamando ng trapik, bilang delikadesa ay magbitiw na si Tolentino bilang chairman ng MMDA.