MANILA, Philippines - Bagamat nangako ng tulong sa PNP-Highway Patrol Group (HPG) sa pagsasaayos ng trapiko sa kahabaan ng EDSA si MMDA Chairman Francis Tolentino sa pamamagitan ng 170-190 MMDA constables mistulang papogi lamang umano ito at hindi nagkaroon ng katugunan.
Manapa’y mistulang binoykot pa ng MMDA constables ang EDSA na nagsilipat sa mga secondary roads.
Aminado ang PNP-HPG bagamat may ipinadala pero konti lamang ito at nagsialis din sa pwesto lalu na noong kasagsagan ng trapik matapos ang pagbuhos ng ulan.
Ito ang naging obserbasyon ng ilang opisyal ng HPG.
Magugunitang kamakalawa ay hindi napigilan ni HPG director Chief Supt. Arnold Gunnacao na ramdam nila na tila hindi gusto ng maraming mga taga -MMDA ang pagkakaalis nila bilang pangunahing nangangasiwa sa pagmamando sa trapiko.
“Basically, they are not under us. Meron silang pinuno, ang agreement namin sa pinuno namin eh, it might be an individual problem, baka gusto ng mga tao dun na hindi sumusunod ay kasi gusto nila sila ang hari ng Edsa’’, ani Gunnacao sa mediamen.
Samantala, pinaplano ng Philippine National Police (PNP) na gawing 24/7 o 24 oras ang duty ng mga PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na nangangasiwa sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng 23 kilometrong EDSA highway.
Ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez, ito’y upang mapabuti pa ang serbisyo sa mga motoristang dumaraan sa lugar kung saan idaragdag nila sa 150 PNP-HPG traffic enforcers ang 20 SAF (Special Action Force ).
Sa kasalukuyan, sumasalang pa sa training o pagsasanay ang 20 SAF commandos para tumulong sa PNP-HPG traffic enforcers na datirati ay pansabak sa mga armadong grupo na banta sa pambansang seguridad at maging sa terorismo.
Una nang nangako si Metro Manila Deve-lopment Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ng 170-190 MMDA constables para tumulong sa PNP-HPG sa pagmamando ng trapiko pero konti lamang sa mga ito ang tumugon na halos hindi makita ang presensya sa EDSA na tila nagbo-boykot dahilan secondary routes ang mas prayoridad umanong tutukan.