MANILA, Philippines – Dalawang Chinese nationals ang nadakip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos makuhanan ng shabu na nagkakahalaga ng P2.4 milyon sa isinagawang isang buy-bust operation sa loob ng isang shopping mall sa Malate, Manila, kamakalawa. Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang mga suspect na sina Sun Wei Liang, 36, residente ng Lapu-lapu St., Magallanes Village, Makati City; at Mao Yong Liang, 27, ng Pan Pacific Tower, Malate, Manila.
Ayon kay Cacdac, ang mga suspect ay naaresto ng mga tropa ng PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR) sa pamumuno ni Director Erwin Ogario matapos ang operasyon sa may basement parking ng isang mall sa Malate, Manila, ganap na alas-10 ng umaga. Sinasabing nagbenta ang mga suspect ng dalawang kilo ng shabu na nakasilid sa isang selyadong plastic bag sa isang undercover PDEA agent na nagkunwaring buyer dahilan para sila madakip. Tinatayang nagkakahalaga ang shabu ng P2.4 milyon. Bukod sa iligal na droga, narekober din ng awtoridad ang isang Honda CRV (ZRZ-177), isang Honda Civic at tatlong mobile phones.