MANILA, Philippines – Umaabot sa P200,000 halaga ng mga relo at alahas ng isang doktor ang natangay ng miyembro ng ‘Budol-Budol Gang’ mula sa kasambahay nito sa Sta. Cruz, Manila, kamakalawa. Agad na nag-report sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment Investigation Section si Dra. Lesley Anne Guevarra, 29, residente ng Malate, Manila.
Batay sa ulat na isinumite ni PO3 Jay Jacob, kay Chief Insp. Arsenio Riparip, hepe ng MPD-GAIS, tumawag umano ang suspek sa kanyang katulong na si Almira Renacia Najal at sinabing naaksidente siya at inutusan na dalhin ang kanyang mga alahas at pera sa may Doroteo Jose sa Sta. Cruz, Manila. Una umanong naghinala si Najal na miyembro ng sindikato ang kausap sa telepono kaya tinawagan si Guevarra, pero nang hindi ito sumagot naniwala na ang una na naaksidente nga ito kaya binitbit ang mga alahas at dinala ito sa napag-usapang lugar.
Pagdating sa lugar isang babae umano ang sumalubong kay Najal at kinumusta pa nito ang amo, pagkakuha sa paper bag na naglalaman ng alahas ay inatasan si Najal na maghintay kasunod noon ay nakatanggap ng tawag si Najal at inatasan siya na maghintay. Natuklasan lamang niya na nabiktima siya ng ‘Budol budol gang’ nang madiskubre nito na ang kanyang among doktora ay kasalukuyang nasa ospital na kanyang pinagtatrabahuhan.