MANILA, Philippines – Magpapalabas na ng desisyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa kapalaran ng Valisno Express bus na nasangkot sa aksidente na ikinasawi ng apat at pagkakasugat naman ng 16 pa.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, board member ng LTFRB maglalabas na ng desisyon ang board sa darating na Sabado matapos ang ilang pagdinig na isinagawa ng ahensya para dito.
Ipinalalagay ng marami na tuluyan nang makakansela ang prangkisa ng Valisno dahil sa madugong aksidente na kinasangkutan ng isang unit nito sa lungsod Quezon, kamakailan.
Ipinagharap na ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple physical injuries and damage to property at Violation of Article 275 Abandonment of Once Own Victim sa piskalya ang bus driver na si George Pacis matapos madakip sa Bulacan.
Magugunitang apat ang nasawi, habang 16 ang nasugatan makaraang sumalpok ang minamanehong Valisno Express bus (TXV-715) ni Pacis sa arko sa kahabaan ng Quirino Hi-way Greater Lagro Novaliches boundary ng Novaliches at Caloocan dakong alas-7:20 ng umaga noong nakalipas na Agosto 12, 2015.