MANILA, Philippines – Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.
Ito ang isa sa mga kasabihang pinagbabatayan ni Acting Manila Mayor Isko Moreno matapos na magsagawa ng operasyon laban sa mga pasaway na motorista sa iba’t ibang lugar sa Maynila.
Inamin ni Moreno na nakalulungkot na marami ang naghahangad ng pagbabago at pag-unlad ng Maynila subalit wala namang displina sa sarili.
Ayon kay Moreno, ang kanilang ginawang operasyon laban sa mga sidecar at pribadong sasakyan ay paulit-ulit na lamang dahil alam ng mga sidecar at motorista na mahigpit na ipinagbabawal ang pagparada sa kahabaan ng United Nations Ave at Taft Avenue.
Umaabot sa 16 na sidecar at limang kotse nang sabay-sabay na hinila at nilagyan ng clamp noong nakaraang linggo matapos na makitang nakakasagabal sa trapiko.
Ayon kay Moreno, ang pagparada ng sasakyan sa “No Parking” zone ay indikasyon ng kawalan ng tunay na disiplina ng isang mamamayan.
Binigyan diin ni Moreno, may mga gusali at establisimyento naman na naglalaanan ng parking space kaya’t walang dahilan ang mga motorista na magpasikip ng daloy ng sasakyan.
Paliwanag ni Moreno, hindi naman sila titigil hangga’t hindi naisasaayos ang mga pasaway bagamat umaasa din ito na makikipagtulungan ang mga sidecar at maging ang traffic violator sa kanilang kampanya.
Umaasa si Moreno na magiging aral na sa mga motorista ang nangyari.
Tiniyak pa nito na magsasagawa pa rin sila ng surprise operation sa mga clamping zone na kinabibilangan ng Mendiola, Taft, Lawton, Quiapo, San Miguel at Morayta.
Nasa P500 ang tubos sa mga mahuhuling sidecar habang P900 naman sa clamping.