HPG sa EDSA magreresulta sa kotongan, korapsyon – Piston

MANILA, Phiippines – Kontra ang militanteng grupong Piston sa pagtatalaga ng mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (HPG) sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, partikular sa EDSA.

Sinabi ni Piston national president George San Mateo na lalala lamang ang katiwalian sa kalsada kapag ang HPG na ang nagpatakbo ng trapiko.

"Ang pagtatatalaga ng highway patrol ay magreresulta lang sa pagtindi ng kotongan at korapsyon sa kalsada. Kaya nga inalis noon sa traffic ang highway patrol dahil sa 'buwaya' image ng highway patrol," pahayag ni San Mateo.

Aniya nabuo ang “buwaya sa kalsada” na bansag sa HPG noong mga pulis ang nagmamando sa daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Samantala, ang pagkakaroon ng magandang mass transport system ang nakikitang paraan ni San Mateo upang gumaan ang daloy ng trapiko.

"'Yung mass transport system ang maghihikayat sa mga napakarami at patuloy na dumadaming pribadong motorista na kadalasan ay isa o dalawang tao lang ang sakay na gamitin ang naturang mass railway system.”

Ayon sa pag-aaral ng Metropolitan Manila Development Authority, 80 porsiyento ng mga sasakyan tuwing rush hour ay mga pribado.

 

 

Show comments