MANILA, Philippines - Bawal muna sa mga station commanders ng Quezon City Police District (QCPD) ang magday-off ng Sabado at Linggo.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Quezon City Police Director P/Chief Supt. Edgardo Tinio, lumabas sa kanilang assessment o pag-aanalisa na karaniwang may pagtaas ng bilang ng mga krimen simula sa araw ng Biyernes na nadadagdagan pa tuwing weekends .
Ayon kay Tinio, pinatutukan niya sa mga station commanders na mapababa ang kriminalidad sa Sabado at Linggo dahil sa mga araw na ito dumadagsa sa mga malls ang mga pamilya, restaurants at iba pang mga pook libangan.
Samantalang kapag Biyernes ay mga magkakabarkada o magkakaupisina naman ang nasa araw ng gimikan.
Ang ganitong mga araw ang siyang paborito ng mga kawatan para sila sumalakay.
Dahil dito gagawin na lamang Martes o Miyerkules ang day off ng mga Station Commanders ng QCPD upang matutukan ang pagsupil sa mga masasamang elemento.