MANILA, Philippines - Binawian na rin ng buhay ang driver na kabilang sa tatlong biktima ng walang habas na pamamaril ng anak ng retiradong he-neral noong Martes ng gabi sa Quezon City.
Ayon kay P/Chief Insp. Rodel Marcelo. hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, alas-6:21 ng umaga nang kumpirmahin sa kanilang tanggapan ng kaanak nito ang pagkamatay ni Ronebert Ycot, 36, empleyado ng Marikina City Hall, ng Molave Neighborhood, Marikina Heights.
Si Ycot ay ang driver ng van kung saan sakay sina Joyce Santos, at Duke Angelo David II, 20, binata, ng Brgy. Taniong Marikina City ay biktima ng pamamaril ni Jose Maria Abaya, 50, anak ni dating Philippine Constabulary General Antonio Abaya.
Si Santos ang nauna nang iniulat na nasawi sa Medical City dahil sa tinamo nitong tama ng bala sa ulo. Habang kritikal naman si Ycot na nagtamo ng tama ng bala sa likod at stray bullet naman ang sugat ni David II.
Kamakalawa ng gabi ay isinampa na ng QCPD-CIDU sa piskalya ang mga kasong murder at frustrated murder, laban kay Abaya, pero dahil sa pagkamatay ni Ycot, hihilingin anya ni Chief Insp. Marcelo na amyendahan ang kaso sa two counts of murder.
Idinagdag pa nito na sa sandaling maisumite na nila ang bagong kasong 2 counts of murder, posibleng habambuhay na si Abaya na makulong dahil wala anyang piyansa ang nasabing kaso.
Maalalang walang habas na pinagbabaril ni Abaya ang minamanehong Hyundai Grace Van (TWJ-732) ni Ycot sakay ang dalawa pang biktima matapos na masiraan ito at pumarada sa kahabaan ng Katipunan Avenue, Barangay White Plains, sa lungsod ganap na alas-6:45 nitong Martes ng gabi.
Kumakain umano si Abaya sa lugar nang pumarada ang van at dahil inakala ng una na kukunin siya nito para dalhin sa rehab ay bigla na lamang niyang pinagbabaril ito gamit ang kalibre 40 baril.