MANILA, Philippines – Umpisa sa Lunes (Setyembre 7) ikakalat na ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa anim na chokepoints sa kahabaan ng EDSA ang may 96 nilang tauhan na tututok at magsasaayos sa malalang daloy ng trapiko at para na rin disiplinahin ang mga motorista.
Ayon kay PNP –HPG Director P/Chief Supt. Arnold Gunnacao, ang mga elemento ng traffic enforcers ay idedeploy sa Pasay Rotonda; Guadalupe sa Makati City; Shaw Boulevard sa Mandaluyong City; Ortigas sa Pasig City; Cubao at Balintawak sa Quezon City.
Sinabi ni Gunnacao na ang mga traffic enforcers ay inatasan niyang magpokus sa pagdisiplina sa mga pasaway na driver na nagiging sanhi ng malalang daloy ng tapiko at pagpapatupad ng batas trapiko.
Ayon kay Gunnacao, inisyal pa lamang ang deployment ng 96 personnel sa EDSA sa darating na Lunes.
Nabatid na mula sa mga personnel ng PNP-HPG ay tutulong din ang mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at iba pang mga tauhan ng mga District Police Office na nakakasaklaw sa anim na chokepoints sa EDSA.
Samantalang makikipagkoordinasyon din ang PNP-HPG sa mga local government units at maging sa Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagsasaayos ng mga road blocks, mga vendors at maging sa illegal parking ng mga behikulo.
Samantala, sasanayin muna ng MMDA ang mga tauhan ng PNP-HPG bago tuluyang ipasa rito ang pamamahala sa trapiko sa Metro Manila.
Isa ito sa tinalakay sa pakikipagpulong ni Chairman Francis Tolentino kay Cabinet Secretary Rene Almendras kahapon upang pinuhin ang “implementing guidelines” ng direktiba ng Pangulo sa “take-over” ng HPG sa traffic management.