MANILA, Philippines – Inilunsad kahapon sa Pambansang Araw ng mga Bayani ng sektor ng mga kabataan, sa pangunguna ng Partido ng mga Mag-aaral na Nagkakaisa, ang AKO AY PILIPINO Movement na magsisilbing tinig ng saloobin ng sambayanang Pilipino sa gitna ng mga mahahalagang usapin at suliranin na kinakaharap sa kasalukuyan ng ating bansa.
Layunin ng kilusang ito na ipahayag ang damdamin ng sektor ng kabataan sa umiiral na sistema ng pamumuno sa ating pamahalaan kung saan ay nawawala na ang dignidad, dedikasyon, delikadesa, pagkamaka-Diyos, disiplina at demokratiko ng mga nakaupo sa kapangyarihan.
Ayon kay Mark Vivas, tagapagsalita ng PAMANA at AKO AY PILIPINO Movement wala na silang makitang inspirasyon mula sa opisyal ng pamahalaan. Sisikapin na lamang nilang magmatyag.