MANILA, Philippines – Dahil sa umano’y panlalait at pang-aalipusta, pinagsasaksak hanggang sa ma-patay ng delivery boy ang isang empleyada ng Solaire Casino Hotel kahapon ng umaga sa Pasay City.
Dead on the spot ang biktimang si Rachelle Fernandez, 23, nakatira sa Unit 832, 8th floor, Park Ave.Mansion, Park Ave. ng naturang lungsod, matapos na magtamo ito ng 70 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang nakakulong naman sa Pasay City Police detention cell ang suspek na si Ronald Rosello, 28, naninirahan sa Unit 920, 9th Floor ng nasabing condo unit.
Sa report na natanggap ni Police Sr. Supt. Joel Doria, hepe ng Pasay City Police na alas-6:45 ng umaga nang ma-tagpuan ang biktima sa loob ng kanyang condominium.
Nabatid na inabangan ng suspek ang biktima paglabas sa condo nito dahil papasok ito ng trabaho kung saan sinalubong ng una ng isang saksak ang huli.
Subalit dahil sa malakas ang suspek, nagawa nitong tadtarin ng saksak ang dalaga na umabot ng 70 saksak na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Nang matiyak ng suspek na patay na ang dalaga para makatakas ay pumasok ito sa unit 843, na pag-aari ni Ro-naldo Reyes 43, isang OFW, na dumaan ito sa bintana.
Nagulat si Reyes nang makitang duguan si Rosello at sabihan ng “huwag maingay kung ayaw ninyong madamay” hanggang sa nagtatakbong lumabas ng kanyang unit si Reyes kasama ang kanyang anak at asawa at ipinagbigay alam sa mga nakatalagang guwardya ang insidente, na mabilis namang ini-report sa Pasay City Police.
Dito na nga natagpuan ang duguang bangkay ng dalaga at makalipas ang isang oras ay bumaba ng lobby ng condominium ang suspek na parang walang nangyari.
Subalit namataan ni Reyes ang suspek kaya’t inaresto ito ng rumispondeng mga pulis. Inamin naman ng suspek na siya ang pumatay sa biktima dahil sa labis na sama ng loob niya sa dalaga dahil sa madalas siyang nilalait at inaalispusta nito sa tuwing masasalubong siya nito.
Sinabi pa ng suspek, na bangag siya sa droga nang isagawa nito ang brutal na pagpatay sa biktima. Itinanggi naman ng suspek na ginahasa ang biktima.
Sinampahan ito ng kasong murder at illegal possession of deadly weapon sa Pasay City Prosecutor’s Office.