MMDA sa INC: ‘Police your own ranks’
MANILA, Philippines – Matapos na aminin na hindi kayang bantayan ang rally ng Iglesia ni Cristo, umapela si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino ng “police their own ranks” o babantayan ang sariling hanay para sa kaayusan ng kanilang demonstrasyon sa EDSA.
“Suportado natin yung sinasabi nila na ‘police their own ranks’ dahil hindi naman natin sila lahat mababantayan,” ani Tolentino.
Una nang nagpalabas ang MMDA ng listahan ng mga alternatibong ruta na maaaring daanan ng mga apektadong motorista na dumaraan sa EDSA mula Shaw Boulevard hanggang EDSA Shrine makaraang mabigyan ng permit ang INC hanggang Linggo. Hindi naman batid kung mabibigyan pa ito ng ekstensyon dahil sa mga pahayag ng ilang panig na matatagalan pa ang pagresolba sa isyu ng INC.
Inaasahan naman na magpapatuloy pa ang pro-testa sa kalsada ng INC hanggang hindi umano pinatitigil ang mga miyembro ng mga opisyal ng sekta o magkakaroon ng pagresolba ang administrasyong Aquino sa kanilang isyu kay Department of Justice Secretary Leila de Lima.
Umani na ng napakara-ming batikos ang INC sa mga netizens na hindi miyembro ng sekta dahil sa hirap na dinanas sa pagdagdag sa mabigat na trapiko ng kilos-protesta sa harapan ng Department of Justice at sa EDSA.
Samantala, kinastigo naman ng militanteng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) si Tolentino dahil sa kawalan ng kakayahan umano na resolbahin ang buhol na trapiko sa Metro Manila at pagpapasikat sa media sa kanyang mga aksyon sa kalsada.
Kabilang sa tinukoy ng BMP ang pagbisita sa mga lungsod na wala sa kanyang hurisdiksyon habang napakatindi na ng problema sa trapiko sa EDSA dahil sa kilos-protesta ng mga miyembro ng sekta ng INC.
- Latest