MANILA, Philippines – Muling nagbabala ang pamunuan ng Philippine National Police sa mga nagma-may ari ng motorsiklo na maging vigilant laban sa mga magnanakaw nito.
Ito ay sa kabila ng assessment ng mga representante mula sa Directorate for Investigation and Detective Ma-nagement (DIDM) na ang insidente ng pagtangay sa mga motorsiklo ay bumaba mula sa 63 na kaso noong June 2014 sa average na 39 na kaso para sa buwan ng August 2015.
Sa kabila umano na bumaba ang kaso ng pagtangay sa motorsiklo sa Metro Manila nagbabala ang pulisya sa publiko na maging mapagmasid at alerto kapag nagpaparada ng kanilang mga motorsiklo.
Kung maari lagyan ng alarm at security devices ang sasakyan at huwag hayaang iwan ang susi nito kapag iiwan itong nakaparada.
Base sa latest analysis ng DIDM nitong August 17 hanggang 23, 2015, ang Police District na may pinakamataas na bilang ng motorcycle-napping ay ang Quezon City Police District (QCPD) na nagtala ng 15 insidente kasunod ang Manila Police District na may 12 at ang Southern Police District na nagtala ng anim na insidente.
Ang Eastern Police District ay nanatiling nasa mababang bilang ng motornapping incidents na may bilang na tatlo lamang ng nasabing petsa.
Gayunman, nagkaroon ng signipikadong pagbaba ng bilang ang Northern Police District na may tatlong insidente na lamang mula sa 10 insidente noong August 10-16, 2015.
Samantala, ang Top 2 na istasyon ng pulisya na may pinakamataas na bilang ng pagnanakaw ng motorsiklo ay ang Lagro Police Station na may apat na kaso, at Masambong, Talipapa, at Ermita na pawang nagtala ng tatlong kaso.