MANILA, Philippines – Umabot sa 11 katao, kabilang ang tatlong babae ang naaresto ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) sa magkakasunod na anti-drug operations na ginawa sa magkakahiwalay na barangay sa nakalipas na linggo sa lungsod.
Sa ulat na ipinarating ng QCPD-Anti Illegal Drugs Special Operation Task Group (AIDSOTG) kay QCPD Director P/Chief Supt. Edgardo Tinio, kinilala ang mga suspect na sina Alvin Fernandez, alyas Storkman at Balong, 39; Margie Soliman, 24; Maricel Amarille, 36; Jay-R Medina, 30; Ray Biares, 35; PJ Morales, 25; Jaymar Borromeo, 19; Joana Bautista, 34; Raymundo Esmores, 28; Jerry Averilla, 35; at James De Guia.
Ang mga suspect ay naaresto ng mga operatiba ng QCPD-AIDSOTG sa pamumuno ni P/Chief Insp. Enrico Figueroa alinsunod sa programang ipinapatupad para lansagin ang lahat ng uri ng may kaugnayan sa iligal na droga sa mga barangay.
Sabi ni Figueroa, dalawa sa mga suspect na sina Joana Bautista at Alvin Fer-nandez ay kabilang sa Top 10 drug personalities na nag-o-operate sa lungsod.
Nadakip ang dalawa sa apat na anti-illegal drugs operation kung saan isang buy-bust operation ang ginawa kay Fernandez sa San Simon St., kanto ng Sta. Maria St. Brgy. Holy Spirit kung saan narekober sa kanya ang isang piraso ng plastic sachet ng shabu at P1,000 marked money.
Sina Soliman, Amarille, Medina, Biares at Morales naman ay naaresto nitong Huwebes ng ala-1:30 ng mada-ling-araw, sa isang pot session sa may no. 535 Gen. Luis St., Brgy. Novaliches Proper, Novaliches sa lungsod.
Habang si Borromeo na naaresto sa buy-bust operation sa Nelson Ville Sapphire St., Brgy. Batasan hills, na nakuhanan din ng isang piraso ng plastic sachet.
Sina Bautista, Esmores, Averilla at De Guia ay nadakip sa may kahabaan ng Bukluran St., Phase 8, Brgy. Fairview, sa lungsod nitong Miyerkules ng alas 9 ng gabi sa isang buy-bust hanggang sa maaktuhan ang ilan habang nagsasagawa ng pot session
Narekober mula sa lugar ang mga drug paraphernalia, shabu at P500 na marked money.
Dagdag ni Figueroa, ang mga suspect ay nakapiit ngayon sa Camp Karingal sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Act of 2002.