MANILA, Philippines – Idiniin kahapon ng Malacañang na wala pang pinal hinggil sa odd-even scheme na pinalutang ni Pangulong Benigno C. Aquino III habang nagpapahayag ng pagtutol dito ang mga transport group at iba pang sektor.
“Tiyak na pagdidiskusyunan iyang mabuti bago ipatupad,” sabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa isang panayam ng dzBB. Kailangan din anyang pag-aralan ng Pangulo ang mungkahi ng isang grupo ng mga negosyante na magtalaga na lang ng isang traffic czar.
Noong Biyernes, tiniyak ni Presidential Communications Operations Office Se-cretary Herminio Coloma na, bagaman inungkat ng Pa-ngulo ang odd-even scheme bilang radikal na solusyon sa problema sa trapiko sa Metro Manila, lahat ng panukala ay pag-aaralan muna bago makapaglabas ng kumpletong plano ng pagkilos.
“Ang mahalaga ay ang kagyat na pagtugon at hakbang ng pamahalaan,” paliwanag ni Coloma.
Ikinakatwiran ng mga grupong pangtransportasyon na maaapektuhan ng odd-even scheme ang kanilang kabuhayan dahil hindi makakapasada nang tatlong araw bawat linggo ang mga driver at operator ng mga pampublikong sasakyan.
Nag-alok naman sa pamahalaan ng ilang remedyo ang Management Association of the Philippines kabilang ang pagtatalaga kay Cabinet Se-cretary Jose Rene Almendras bilang traffic czar.
Pero sinabi ni Coloma na hindi nila nakikita ang pangangailangan sa isang traffic czar para lumutas sa sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila. Sapat na anya sa ngayon ang kinauukulang mga ahensiya ng pamahalaan.
Sinabi pa ni Coloma na nagtitiwala at may kumpiyansa pa rin ang Pangulo kay Metro Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino sa kabila ng mga pagbatikos dito dahil sa ma-tinding masikip na daloy ng trapiko sa mga lansangan sa kalakhang Maynila.
Idinagdag niya na inatasan ng Pangulo si Almendras na konsultahin ang lahat ng nasasangkot at pagsama-samahin ang lahat ng mga panukala para malutas ang problema sa trapiko.
Mas makakabuti anyang bigyan ng pagkakataon ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na gawin ang kanilang trabaho.
“Mapapansin ninyo na, sa bawat oportunidad, sinisikap ng pamahalaan na magkaroon ng pinagkakaisang paraan para ang ipiniprisintang solusyon ay higit na maging epektibo at mapabuti ang serbisyo-publiko,” sabi pa ni Coloma.
Ipagpapatuloy din ng pamahalaan ang paghuli sa mga iligal na aktibidad sa mga kalsada tulad ng mga pangingikil o suhol para makapasada ang mga kolorum na sasakyan o pag-okupa sa ilang mga lugar na nakakaambag sa pagsisikip ng trapiko.