MANILA, Philippines - Patay ang riding in tandem na pinaniniwalaang sangkot sa panghoholdap makaraang manlaban sa mga ope-ratiba ng Quezon City Police District (QCPD) ilang minuto matapos na tumakas sa isang checkpoint sa lungsod, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), walang nakuhang anumang mapagkikilanlan sa mga suspect na kapwa nakasuot ng helmet.
Nangyari ang insidente sa may bakanteng lote sa Greater Lagro, Quirino Hiway, ganap na alas- 12:45 ng madaling-araw.
Bago ito, nagsasagawa umano ng checkpoint ang mga tropa ng QCPD Special Traffic Action Group (STAG) sa pamumuno ni Chief Insp Rolando Lorenzo sa lugar.
Mula dito ay dumating ang isang motorsiklo na tinangkang pahintuin ng mga awtoridad para beripikahin nang biglang humarurot patungo sa San Jose del Monte Bulacan.
Agad na hinabol ng mga pulis ang mga suspect, hanggang sa makorner nila ang mga ito sa pataas na bahagi ng kalsada sa nasabing lugar. Mula dito ay biglang namaril ang backrider sa mga awtoridad sanhi upang mauwi ito sa engkwentro kung saan kapwa nasawi ang mga suspect.
Sa pagsisiyasat ng QCPD-STAG napag-alaman na bago ang insidente ay isang Kimberly Azano, ang hinoldap ng mga suspect sa Timog Avenue, dakong alas-12 ng gabi matapos na magtungo ito sa himpilan ng Police Station 10.
Sa naturang himpilan ay narinig umano ng biktima sa radyo ang report kaugnay sa nangyaring barilan na tumutugma sa ibinigay niyang diskripsyon hanggang sa puntahan nila ang lugar kasama ang tropa ng PS10 at doon positibong kinilala ang mga nasawing suspect na nangholdap sa kanya.
Nang buksan ang backbag na dala ng isa sa mga nasa- wing suspect ay narekober sa loob nito ang handbag ni Azano.
Napag-alaman din na ang motorsiklong ginamit ng mga suspect ay nakaalarma dahil nakarnap ito noong August 16 sa may North Avenue, partikular sa tapat ng Sugar Regulatory Board.