MANILA, Philippines – Mismong sa loob ng kanyang bahay tinodas ang isang lalaki na sangkot umano sa pagtutulak sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawi na si Enrico Juance, 48, ng Kaunlaran St., Brgy. Muzon, ng naturang lungsod. Hindi naman ginalaw ng mga salarin ang live-in partner nito na si Rowena Jordan.
Sa ulat, dakong alas- 10:15 ng gabi nang pasukin ng dalawang salarin ang bahay ni Juance. Isa ang agad na bumaril sa biktima na tinamaan sa ulo at katawan habang nagsilbing look-out naman ang isa pa.
Narekober naman sa loob ng bahay ng suspek ang 10 basyo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril at 10 maliit na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Nabatid na kasama sa watchlist sa mga pinaghihinalaang tulak ng iligal na droga ang biktima habang maaaring onsehan ang dahilan ng pamamaslang.