MANILA, Philippines – Torre de Manila gibain.
Ito ang giit ni Solicitor General Florin Hilbay sa kanyang pagdalo sa oral argument ng kontrobersiyal na condominium building na Torre de Manila bilang pagsuporta sa panawagan na gibain ang binansagang photo bomber sa monumento ni Dr. Jose Rizal sa Luneta.
Sa naturang pagdinig, inihayag ni Hilbay sa mga mahistrado na nakasira ang naturang condominium building sa view ng rebulto ng pambansang bayani.
Si Hilbay ang legal na kumakatawan sa National Museum at National Commission for Culture and the Arts.
Ang petisyon laban sa Torre de Manila ay inihain ng Knights of Rizal, na unang humiling sa SC na ipatigil ang pagpapatayo, at kasunod ay paggiba sa condominium na itinatayo ng DMCI.
Hiniling din ni Hilbay sa SC na atasan ang lokal na pamahalaan ng Maynila at iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na pangasiwaan ang pagsubaybay sa gagawing demolisyon ng gusali.
Paliwanag ni Hilbay, itinayo ang monumento ni Rizal sa lugar na walang dapat makasagabal sa hitsura ng kapaligiran nito.
Dagdag pa niya, hindi awtorisado ang City Planning and Development Office na magpalabas ng zoning permit sa DMCI buil-ding. Wala rin daw bisa ang zoning permit ng DMCI dahil humigit ang gusali sa floor-to-area ratio.
Iginiit din ni Hilbay na ta-nging ang Sangguniang Panlungsod lamang mula sa rekomendasyon ng Manila Zoning Board of Adjustments Appeals ang may katungkulan na magpalabas ng permission for variance o exception sa zoning rules.