Chairman Tolentino, pinagbibitiw sa pwesto
MANILA, Philippines – Inilunsad ng grupong Public Services Labor Independent Confederation (PSLINC) ang panawagang magbitiw na sa puwesto si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino.
Sinabi ni PSLINC President Annie Geron sa isang radio interview sa DZMM na sobra na ang “hagupit ng trapiko” na tinatanggap ng mga ordinaryong manggagawa na araw-raw nagko-commute.
Kinuwestyon ni Geron kung bakit hindi na umano mahagilap si Tolentino sa gitna ng umiigting na problema sa trapiko sa Metro Manila.
“Sobra na itong pagdurusa ng mga commuter lalo na sa mga manggagawa na kakarampot ang sinasahod babawasan pa ‘pag ikaw ay nahuhuli sa trabaho,” sabi pa ng presidente ng grupo.
Banat pa ni Geron, mandato ng MMDA na siguruhing ligtas at maayos ang daloy ng trapiko pero wala anyang maramdaman sa dapat sana’y serbisyo ng ahensya.
Suspetsa ni Geron, may kinalaman sa ambisyon ni Tolentino sa 2016 ang aniya’y kawalan nito ng aksyon sa problema sa traffic. “Nasa period siya na umaamo na, nag-aamo na, ayaw nang isugal na siya ay magdisiplina,” dagdag pa nito.
Sa panayam noon ng DZMM, inamin ni Tolentino na tatakbo siya sa 2016 bagama’t hindi pa niya tiyak kung anong posisyon ikinasa na ng PSLINC ang isang kampanya sa Change.org para ipanawagan ang pagbibitiw ni Tolentino.
- Latest