MANILA, Philippines – Tahasang sinabi ni Manila Vice Mayor Isko Moreno na wala siyang sama ng loob kay Manila Mayor Joseph Estrada sakaling muli itong tumakbo sa pagka-alkalde.
Ang pahayag ni Moreno ay reaksiyon sa ulat na masama ang kanyang loob matapos na ihayag ni Estrada ang kanyang pagnanais sa re-elections.
Sinabi ni Moreno na hangga’t naayos ang Maynila, handa niyang suportahan si Estrada sa mga proyekto nito.
Paliwanag ni Moreno, maraming utang na binayaran ang city government na ngayon lamang naayos at nalinis kabilang na ang employees contribution sa BIR.
Sa ngayon aniya ay hindi pa naman siya desidido sa kanyang tatakbuhin at ang kanyang paglilibot ay bahagi ng kanyang tungkulin bilang pangulo ng Vice Mayor League of the Philippines (VMLP).
Malalaman naman ang lahat ng desisyon sa Oktubre. Mas pinagtutuunan niya ngayon ng pansin ay ang mga ordinansang dapat na ipasa ng konseho para sa kapakanan ng Manilenyo.
Ayon naman kay Estrada, bagama’t 99.9% na siya sa re-elections posible pa ring magbago ang kanyang isip at para tumakbo bilang pangulo ng bansa sa 2016.
Sakali aniyang magpasya na siyang tumakbo sa pagkapangulo, si Moreno ang kanyang susuportahang kandidato sa pagka-alkalde.
Aniya, napatunayan naman ni Moreno ang kanyang kakayahan at galing. Taglay ni Moreno ang karapatan upang tumakbo bilang alkalde lalo pa’t ito ay naging konsehal at bise alkalde.