MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki makaraang mabundol ng isang SUV habang papatawid sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District Traffic Sector 6, nakilala ang biktimang si Jun Javier, 47, may asawa ng CNH Village Extension, Bgy. Culiat sa lungsod habang hawak naman ng pulisya ang driver ng Toyota Innova na si Allan de Ocampo, 42, isang nurse ng Brgy. Bayumbong Nueva Viscaya.
Ayon kay PO3 Andy Sotto, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Central Ave., harapan ng INC condominium, Bgy. Central ganap na alas-8:30 ng gabi.
Binabaybay ng Innova (ZNZ-446) ni De Ocampo ang kahabaan ng Central Avenue galing ng Commonwealth patungong Visayas Avenue nang pagsapit sa nasabing lugar ay bigla na lamang umanong tumawid ang biktima.
Dahil sa bilis ng pangyayari, hindi na nakaiwas pa ang Innova at nabangga ang biktima kung saan sa lakas ng pagtama ay tumilapon pa ito ng ilang metro sa kalye.
Dead on the spot sa lugar ang biktima matapos na magtamo ng pinsala sa ulo at katawan.
Samantala, nabatid sa PS-6 na nagkasundo na ang magkabilang panig kaugnay sa kaso kung saan sasagutin na lang umano ng driver ang gastusin ng pamilya ng biktima.