MANILA, Philippines – Arestado ng pulisya ang tatlong suspek kabilang ang mag-asawa na pumatay sa 7 buwang buntis na ginang kahapon sa Malabon City.
Kinilala ng hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Police Chief Inspector Rey Medina ang mga suspek na sina Lemuel Salon, 46; mag asawang Domingo 47 at Cherly Rodriguez, 39, mga residente ng #101 Acero St., Bgy. Tugatog, Malabon City.
Ang pagkakadakip sa mga suspek ay bunsod sa sinumpaang salaysay ng testigong si Luzminda Imbang, 58, na narinig niya ang kuwentuhan ng mag-asawang suspek hinggil sa naganap na pagpatay sa biktimang si Pamela Donaire Ragdi noong Martes makalipas ang dalawang araw ng maganap ang krimen.
“Narinig ng testigo na kausap ni Cheryl ang asawa niya at parang sinusumbatan na bakit pinatay si Pamela eh ang utos lang ay akyatin ang bahay ng biktima,” ani PO1 Carlito Dematera, ng Malabon City Police.
Ito naman ang naging batayan ng pulisya upang magsagawa ng manhunt operation at Follow-up Section ang Malabon City Police sa pamumuno ni SPO2 Rogelio Libuton alas-7:00 kahapon ng umaga, na nagresulta nang pagkakadakip sa mga suspek.