MANILA, Philippines – “Tinutuya na nila ang mamamayan ng Maynila, lalo na yung mga mahihirap.” Ito ang pahayag kahapon ni Manila 5th District Congressman Amado Bagatsing patungkol kina Mayor Ejercito “Erap” Estrada, Vice Mayor Isko Moreno at sa mga miyembro ng Manila City Council.
Ang nabanggit na pahayag ay ginawa ni Bagatsing bago pa man magsimulang isalang sa Manila City Council ang panibagong kaso ng pagsasapribado ng palengke sa Maynila, – ang Sta Ana Public Market.
Ayon pa kay Bagatsing, mistulang puro pansariling interes na lamang umano ang agenda ng mga opisyal ng Maynila na dapat sana ay para sa interes at kapakanan ng mga mamamayan ng Maynila lalo na para sa mga mahihirap.
“Mukhang iba na talaga ang agenda ng Manila City Council at nang executive office. They’re no longer for people’s welfare, they’re no exercising due process. Ang nakakalungkot dito, itong mga taong dapat sana ay nagbibigay ng proteksyon para sa interes ng mamamayan ng Maynila, they’re defying the system for their personal agenda.
Samantala, iginiit rin ng kongresista na tila ay minamaliit rin nina Erap at Manila City Council ang isinampang kasong Graft and Corrupt Practices o paglabag sa Republic Act 3019 na isinampa nitong nakalipas na August 11 sa Office of the Ombudsman ng grupo ng Manila Federation of Public Market Vendors Association, Inc.
“They’re looking of another case of anti-graft. Ginawa na nila ito sa Quinta Market, sa San Andres Market, kahapon sa Manila Zoo, tapos ngayon itong Sta. Ana Market naman,” dagdag pa nito.
Kahapon ay tinalakay na rin sa konseho ang pagsasapribado ng Manila Zoo.