MANILA, Philippines – Hindi pa rin naaayos hanggang sa kasalukuyan ang mga sirang air-conditioning units (ACU) ng mga train ng Light Rail Transit (LRT), gayundin ang mga escalators sa mga istasyon nito, bunsod ng bigong bidding sa proyekto.
Ito ang inihayag ni LRT Authority (LRTA) spokesman Atty. Hernando Cabrera kahapon bilang tugon sa tanong ng ilang commuters kung kailan pagtutuunan ng pansin ng LRTA ang problema sa air-con at escalators ng LRT, na matagal na nilang idinadaing. Ayon kay Cabrera, ang bidding para sa pagkukumpuni ng escalators ng LRT-2 ay una nang inilathala ng LRTA noong nakaraang buwan.
Ang deadline aniya sa pagsusumite ng bidding documents para sa proyekto ay noong Miyerkules ng nakaraang linggo. Gayunman, wala aniyang kompanya interesadong lumahok sa bidding na nagresulta sa failure o pagkabigo ng bidding process at pagkaantala ng proyekto. Sa isyu naman ng repair o overhaul sa air-con units ng mga tren ng LRT-2, sinabi ni Cabrera na isinasapinal na nila ang mga bid documents para dito.