MANILA, Philippines – Kinastigo ng militant transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nang bigyan nito ng accreditation ang on-line transport company na Uber bilang isang Transportation Network Company (TNC).
Ayon kay Piston President Goerge San Mateo, kailangang ipaliwanag ng LTFRB kung bakit binigyan ng akreditasyon ang Uber samantalang hindi ito sumailalim sa public hearing tulad ng mga legitimate transport units na taxi, jeep, school bus at AUVs.
Binigyang diin ni San Mateo na walang franchise ang mga sasakyan na miyembro ng Uber kayat hindi dapat payagan na makapagsakay ng pasahero dahil wala itong insurance coverage para sa mga pasahero tulad ng mga pampasaherong sasakyan na may insurance coverage ang mga sakay nila.
Sinabi din ni Orlando Marquez, Presidente ng Alliance of Transport Organization in the Philippines na dapat pinag-aralan muna anya ng LTFRB ang pagkakaloob ng akreditasyon.
“Sabi nila kaya hindi na sila nagbibigay ng franchise dahil sobra sobra na ang PUVs eh bakit ngayon halos 3,000 units ng mga TNC ang pinayagan mag operate,” pahayag ni Marquez.
Sinabi naman ni Elvira Medina, chairman of National Commuters Council for Public Safety (NCCPS) na payag silang mamasada ang anumang passenger vehicle basta’t ito ay may franchise mula sa LTFRB.