MANILA, Philippines – Nagkabuhol-buhol ang daloy nang trapiko matapos magkarambola ang tatlong sasakyan na ikinasugat ng tatlong katao, kahapon ng hapon sa Pasay City.
Kinilala ang mga sugatang biktima na sina Aquilina Galapon, 63; pamanking si Romela at ang taxi driver na Florencio Recimo.
Sa report ng Pasay City Traffic Bureau, naganap ang insidente ala-1:30 ng hapon sa kahabaan ng EDSA Avenue, bago mag-flyover ng Aurora, Tramo ng naturang lungsod.
Ayon kay Recimo, driver ng Reign Audrey taxi (AEA-6166), pasahero niya ang magtiyahin at habang binabagtas nila ang naturang lugar nang bigla silang sinalpok ng isang Toyota Hi-Ace Van (XBB-195) na minamaneho naman ni Lysander Fulgeras.
Dahil sa malakas na impact ay bumangga naman ang taxi sa isang paparating na motorsiklo na walang plaka na minamaneho naman ni John Aaron Danceco, na masuwerteng hindi naman nasaktan sa kabila na nawasak ang motorsiklo nito.
Dahil sa insidente ay nagkabuhol-buhol ang daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng EDSA.