MANILA, Philippines – Arestado sa isang entrapment operations ng mga kagawad ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong suspek habang nailigtas ang tatlong menor de edad na biktima ng human trafficking sa Caloocan City.
Sa report, unang nadakip ang suspek na si Yolanda Villagomez, alyas Yolly, kasunod sina Richard Manahan at John Paul Dela Peña.
Ayon sa salaysay ng mga biktima sa NBI Anti-Human Trafficking Division, ibinubugaw sila ng suspek na si Villagomez sa halagang P1,500 hanggang P2,500 kada isa sa mga kalalakihan na naghahanap ng aliw.
Nabatid na P500 ang napupunta sa suspek na si Villagomez habang tig-sandaang piso naman ang natatanggap nina Manahan at Dela Peña sa bawat kostumer ng mga biktima na inihahanap nila ng kliyente.
Una rito ay nakatanggap ng impormasyon ang NBI hinggil sa talamak na bentahan ng aliw sa Caloocan City, matapos na magpositibo sa ginawang surveillance ay agad na inilatag ng NBI at ng Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang operasyon sa mga suspek.
Nalaman din sa NBI na isang hotel sa Caloocan City ang pinagdadalhan ng mga suspek sa kanilang mga biktima kung saan doon nila ibibigay sa mga lalaking kostumer.
Nahaharap sa kasong paglabag sa anti trafficking in persons act of 2003 at paglabag sa Republic Act 7610, mas kilala bilang special protection against child abuse, exploitation and discrimination act sa Department of Justice.